?

Log in

 
 
01 September 2012 @ 09:55 pm
Bayani  
Sabihin man nating si Rizal ang nagmulat sa mata ng maraming mga Pilipino, nagawa niya ang lahat ng ito dahil sa o sa tulong ng isang mahalagang bagay: mayroon siyang magagamit na resorses.

Hindi naman sa hindi ko na hinahangaan si Rizal. Magaling pa rin siya, at kahit paano man natin baliktarin ang mga bagay-bagay, isa siyang napakahalagang impluwensiya sa buong propaganda at rebolusyon. Gayumpaman ay hindi ko na maalis sa utak ko ang dahilan kung bakit nagawa ni Rizal ang mga ito.

Sa totoo lang ay hindi ako nagulat sa pagmulat na ito. Hanggang ngayon ay ganyan pa rin ang sitwasyon. Ang mga maykaya ang nakatatamasa ng magandang edukasyon habang alam nila na kung ano mang mangyari ay may kinabukasan pa rin sila kahit papaano, kaya nila nakakayanang labanan ang sistema nang harap-harapan habang hindi pa sila kumikita. Ganoon din naman ang Kilusang Propaganda -mga akademikong nag-aral sa ibang bansa at namuhay kasama ang mga ideya ng kalayaan, muling pagsilang, subersibong pananaw, at ng buong konsepto ng pagiging ilustrado.

Ngunit papasok muli sa isip na umuwi si Rizal mula Europa at nilabanan pa rin ang Espanya gamit ang kanyang mga salita kahit na alam niyang madali siyang maipahuhuli kung sakaling itinuloy niya ang kanyang balak, na kanya namang ginawa. Alam na natin ang susunod.

Maaalala naman si Andres Bonifacio na hindi nakatapos ng pag-aaral ngunit nagsikap. Isa sa unang mga anak ng Katipunan at walang dudang isang tunay na matapang.

Marami-rami rin ang nagsasabing siya dapat ang pambansang bayani. Pinili lang ng mga Kano si Rizal dahil natakot silang baka maghimagsik muli ang mga Pilipino. Makikita kay Bonifacio ang tunay na marka ng isang bayani -katapangan at pagtanggap ng posibilidad na mawawala siya sa mundong ibabaw kahit na anong segundo sa labanan, lahat para sa Inang Bayan.

Ewan ko. Pareho naman silang gumawa at kumilos para sa ikabubuti ng bansa. Pareho naman silang may mga nakaaway na kasapi nila sa grupo. Si Rizal nga lang ay nagnais ng isang pakikipaglaban kung saan wala masyadong madadamay na ibang tao. Si Bonifacio naman ay hindi natakot sa isang rebolusyong magkakaroon ng mga bungang nagbibigay ng duda sa pagiging tama ng kanilang mga paraan.

Pareho naman silang nagbuwis ng buhay para sa Inang Bayan. Ang tanong ay kung magiging tulad ba ni Rizal ang isang taong walang resorses na mababagsakan kung sakali, kung magiging tulad ba ni Bonifacion ang mga taong matatapang at naniniwala sa kalayaan at hustisya, at iilan lang ba ang mga taong magiging ganoon.

Pero bakit nga ba natin kailangan ng mga bayani para maging maayos ang lagay natin? Kawawa ang bayang walang bayani, ngunit mas nakaaawa ang isang bayang nangagailangan ng bayani.*

-------
*napulot sa Bayaning Third World
**lumang sanaysay, nakita sa kwaderno, naisip na hindi pa ito nailalagay; sabagay, Araw ng mga Bayani naman noong Lunes
Tags:
 
 
WTF?: bitchytanginang mood switch yan