?

Log in

 
 
20 March 2013 @ 09:59 pm
Pag-uusapan natin ang bulok na sistemang ito. At tanggapin ninyong pampubliko ang UP. Please lang.  
Ang isyu ay patuloy na pinaiikot tanging sa pagpapatiwakal ni Bb. Kristel Tejada lamang dahil hanggang ngayon ay mayroon pa ring ilan sa atin na hindi naiintindihan ang silbi ng kapitapitagang Unibersidad ng Pilipinas: na ito ay para sa mga estudyanteng nagnanais makakuha ng magandang edukasyon nang hindi inaalala kung paano sila makapagbabayad ng matrikula.

Sinasabing may kailangang managot dahil mayroon talagang kailangang managot. At ang laganap na paggamit ng salitang ‘multifactorial’, na parang hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin nito, ay humihila lamang papalayo sa mga sa mga dapat managot at naglatag ng kondisyong sinasakal ang mga estudyante hanggang sa hindi na makayanan ang kawalan ng hangin.

Pwede nga naman nating sabihing multifactorial ito. Maaaring nagkaroon siya ng depression dahil sa mga problemang pinansyal at dahil sa sitwasyong kinuha mula sa kanya ang mura at kalidad na edukasyon. Hindi napagtuunang-pansin ang depression niya dahil hindi pa rin itinuturing ng ilan na sakit ang mga mood disorder, dahil bulok din ang istema ng serbisyong pangkalusugan sa bansa, at dahil may iba pang problemang itinuring niyang mas mahalaga.

Pero hindi ito ang usapan. Ang usapan ay karapatan ang edukasyon, at hindi ito kinilala ng UP. Ito ang dapat nating pag-usapan. Dati pa natin dapat ito napag-usapan ngunit hindi lang madala-dala sa maayos na diskurso dahil hindi pa rin naisasaksak sa kukote ng ilan na pampubliko ang UP.

Pampubliko ang UP. Tungukin nitong magbigay ng murang edukasyon. Hindi dahil maraming nang may kayang magbayad ay pagbabayarin na ang mga estudyante.

Ang nakalilimutan ng ilan ay kung sakali mang karamihan na sa mga estudyante ang makapagbabayad, hindi pa rin nararapat isawalang-bahala ang ilang nagnanais pumasok sa eskwela ngunit hindi makabayad.

Para tayong mga kustomer na tumitingin mula sa labas ng tindahan, papasok at nang malamang sobrang mahal ng presyo ay mapapakamot na lang ng ulo. Anong gagawin? Babayaran ang nais talagang bilhin kahit mahal, at pagkatapos ay malulungkot dahil wala nang laman ang wallet. O di kaya’y lalabas na lang at maiinis dahil hindi mo nakuha ang bagay na sobrang gusto mo. Pwede ring i-holdap ang tindahan pero kagimbal-gimbal na kaganapan naman ang susunod kaya ‘wag na lang. Ang pagkakaiba lamang, hindi dapat binibili ang edukasyon mula sa ating institusyon.

Hindi pwedeng idahilan na mas mura pa rin naman ang matrikula natin kumpara sa ibang pribadong eskwelahan. Kung ganito ay hindi na pumapasok ang estudyante sa UP dahil ito ang pinili nila. Pumapasok na lang ang sila dito dahil wala na silang ibang pagpipilian.

At lalo namang hindi pwedeng pigilan ang isang estudyante na pumasok sa klase dahil lang wala siyang pambayad bago ang itinakdang huling araw ng bayaran gayong ang mga pribadong paaralan ay hinahayaang magbayad hanggang sa katapusan ng semestre. Mahiya naman tayo.

Muli, ang isyu ay hindi na lamang ang pagpapakamatay ni Bb. Kristel Tejada. Ang mabigat na isyu ay nagkaroon ng kondisyong nag-udyak sa kanyang gawin ito. Bakit kinailangan ng UP na humigop ng pera mula sa mga estudyante niya? Bakit pataas nang pataas ang matrikula natin? Bakit nagkaroon ng utos na hindi na pwedeng magbayad matapos ang itinakdang araw? Bakit naipasa ito nang hindi naipaaalam sa mga estudyante at guro nang maayos? At sino ang nag-isip na isa itong magandang ideya?

Hindi natin masisiguro kung gaano talaga kalaki ang epekto ng FLOA sa pagkamatay ni Kristel. Hindi na ito mahalaga. Ang kailangan nating pagtuunan ng pansin ay sa pagtakwil sa kanya ay tinalikuran ng unibersidad ang kanyang tunay na layunin.

Hindi lamang si Kristel ang dapat panagutan ng UP. Lahat tayong mga minsang tinawag na Iskolar ng Bayan ay dapat niyang panagutan.
Tags:
 
 
WTF?: angryangry